Thursday, January 10, 2008

Ang Pag-aasawa sa Islam
by: Ali Janaban

Alhamdullillah hamdankathiran kama’amar, Ashadu anla Illaha Illallah wahdahulaa sharikala Wa ashshadu anna Muhammadan Abduhu wa Rasuluh.Wa ala’alihi wa ass’haabihi ajmain waman da’a bida‘a watihi wa tamassaka Bisunnatihi illa yaummideen.

Ang lahat ng pagpupuri at pasasalamat ay tanging sa Allah lamang, Gaya ng pag-uutos niyang pag-pupuri, akoy sumasaksi na walang ibang Dios na karapatdapat sambahin maliban sa Allah lamang. Nanag-iisa at walang katambal, At si Muhammad ay kanyang alipin at sugo. Naway ang kapayapaan at pagpapala ay mapasa kay propeta Muhammad sa kanyang pamilya at kasamahan at taga sunod hanggang sa huling Araw.

Lumikha ang Allah ng lalaki at babae upang magsama, magmahalan ang bawat isa at sa kanilay sumibol muli ang panibagong nilalang at namuhay ng payapat tahimik sa kautusan ng Allah at sa pamamaraang naaayon sa ipinadala o sinugo niyang propeta. Ang Allah ay nagwika sa Qur'an 30:21

WAMIN AYATIHI ANKALAQA LAKUMMIN ANFUSIKUM AZWAJAN LITASKUNU
ILAYHA WAJA'ALA BAYNAKUM MAWADDATAN WARAHMATAN INNAFI DHALIKA LA'AYATIN LIQAWMIN YATAFAKKARUN. Q. 30:21

At ang ilan sa kanyang mga tanda ay ito. Siya ay lumikha sa inyo ng kapariha na kabilang sa inyo. Upang mamuhay sa kanila ng tahimik at pinagkalooban niya ang inyong mga puso ng biyaya at awa. Walang alinlangan itoy tanda sa mga may pang-unawa.

At sa isa pang talata : Q.16:72

WA'ALLAHU JA'ALALAKUMMIN ANFUSIKUM AZWAJAN WA JA'ALALAKUM MIN AZWAJIKUM BANII'NA WA HAFADATAN WA RAZAQAKUMMIN THAYYI BATHI AFABILBATIL YU'MINUNA WA BI'NIMATILLAHI HUMYAKFURUUN.

At pinagkalooban kayo ng Allah ng asawa na inyong kauri at pinagkalooban kayo mula sa inyong mga asawa ng mga anak na lalaki at babae, mga apo at ginawaran, tinustusan niya ng maayos.

Napakarami ding mga hadith ang nagpapatotoo sa kahalagahan ng pag-aasawa sa Islam. Ang propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagsabi, ayon sa pag-kakasalin ay ganito

"Walang pag-papawalang bahala sa Islam."

Ang Celibacy "o ang hindi pag-aasawa ay hindi itinuturing na kabutihan sa Islam o isang gawain upang mapalapit sa Allah, tulad ng gawain ng mga pari sa kristianismo, budismo at judismo atb, hindi nag-sisipag-asawa.

Ang propeta (s.a.w.) ay nagsabi: Sinuman sa inyo ang may kakayahang mag-asawa ay nararapat na mag-asawa, sapagkat iyon ay makakatulong sa kanya na ibaba ang paningin at mabantayan o mapag-ingatan ang kanyang kapurihan.

"Ang pag-kamayumi 0 pagiging mahinhin ay bahagi ng pananampalataya"

Upang matamo ang mga bagay na ito na kinakailangan sa pananampalataya ng isang tao, itinalaga ang pag-aasawa. Ang propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagsabi, ayon sa pag-kakasalin: "Ang pag-aasawa ay aking tradisyon, sino man ang umiwas dito o magtakwil dito ay hindi kabilang sa akin." Ang propeta (s.a.w.) ay nag-utos na mag-asawa sa lalong madaling panahon. Ang pamilya ang pinaka- ubod o sintro ng lipunan at tanging sa pag-aasawa lamang maisasakatuparan ang ganitong intitusyon o gawain. Ang pang-labas na ugnayan ay mahigpit na ipinagbabawal at kinasusuklaman.

Huwag lumapit sa pakikipagtalik sa hindi mo asawa. sapagkat itoy kahiya-hiya at masamang gawaing nag-bibigay daan sa ibang masamang gawain.

Q. 17:32
"WALA TAQRABUZZINA INNAHU KANA FAHISHATAN WASA' A SABIL"

Makatuwiran lamang na magtalaga sa Islam ng mga alituntunin at batas sa pamilya upang maisaayos ng ganap ang pag-papatakbo ng pamilya. Upang matamo ang kapayapaan, pagmamahalan, siguridad at marami pang ibang kapakinabangan.

Ang mga bagay na kinakailangan upang matamo ang pinakalayunin ng pag-aasawa: Itoy isang uri ng pag-samba sa Allah. Pag-samba dahil itoy hindi lamang upang maibsan ang pagnanasang sexual sa legal na pamamaraan, ngunit itoy itinalagarin upang makamit o magkaroon ng katiwasayan, pagkamakatotohanan at katapatan sa sarili ng bawat isa. Ano mang uri nang pakikipagkasundo. Ang kunsipto ng Ibada o pagsamba ay napakalawak bawat mabuting gawa, paglilingkod sa sangkata-uhan, mahusay na gawain, pagsusumikap at kahit na isang mabuting salita ay bahagi ng pagsamba ng isang Muslim, kung ang bawat mag-asawa ay isagawa ang ganitong mga bagay, magkagayon ay madali nilang matotonan at magampanan ang pinakalayunin ng pag-aasawa sa Islam. Madali silang magparaya sa bawat isa, mamahalin nila ang Allah (s.w.t.) sa kanilang mga sarili at malalagpasan nilang lahat ang lahat ng kanilang pasanin sa buhay, problema at pag-subok.

Ang pangalawang layunin ng pag-aasawa ay upang tugunan ang pangangailangan ng lahi. Ang mga anak ang magsasakatuparan ng pagkakaroon ng ina at ama. Ang Islam ay nagbibigay ng daan sa makabuluhang pangangalaga ng anak o pamilya. Ang magkaroon ng anak at pabayaan sila ay krimen na maituturing sa lipunan, maging sa mismong mga anak at maging sa mismong magulang. Hindi naturoan ng husto sa pamamaraang Islamiko at lumaki sa pangangalaga ng iba at lalaki na may pag-uugaling labas sa katuroang Islamiko at magiging isa sa mga balakid sa lipunan na maaaring magtatapos o hahantongan ay krimen, kuraption at kabuktutan. Ang ganitong uri ng bata ay mahihirapang matagpuan ang sarili niyang pagkatao. Sa kawalan ng pangangalaga ng pamilya at pagkawalang gabay Islamiko. Paano natin maisasaisip at maisasakatuparan ang reyalesasyon o pagiging makatotohanan ng isang Muslim na may kaloobang matuwid at makatotohanang tao?

Ang Islam ay malinaw na nagkaloob at nagtalaga ng mga gawain at alituntunin sa mga magulang para sa kanilang mga angkan. Ang mga magulang ang siyang responsable sa edukasyon at pagpapanatili ng mga anak. Kapalit nito kinakailangang maging masunurin naman ang mga anak at siyang mangangalaga sa kanila kapag sila ay nagsitanda na. Kapwa magulang at anak ay may nakatalagang bahagi ng kanyang yaman at ari-arian, maliwanag na nasusulat sa Qur'an. Wala ni isa man sa kanila ang pag-kakaitan ng nasabing yaman at ari-arian. Itoy isa lamang bahagi ng mahaba at malawak na talakayin ng pag-aasawa at pagpapamilya sa Islam. Ang mahalaga rito ay ang magandang ugnayan ng mag-asawa. Ang pag-sasakatuparan ng kani-kanilang pagnanasa at tungkulin sa bawat isa.

Ang Islam ay hindi nagtatapos sa mga alituntuning ito, tulad ng pahinga, pagmamahal, awa, kapayapaan sa pamilya at iba pa,bagkus ipinapakita nito ang orihinal na konsepto ng pamilya, sa pagpapaliwanag ng mga gawain at alituntunin. Resposibilidad at obligasyon ng lalaki at babae o nang mag-asawa sa pamamaraan na naaayon sa kani-kanilang mga katangian katauhan at kasarian.

Ang lalaki dahil sa kanyang kakayahan ay nakatalaga sa pag-papanatili ng protiksiyon pakikipag-ugnayan o pakikipagkasundo sa panlabas na suliranin at gawain ng pamilya at siyang namumuno sa pamilya.

Ang babae naman ang siyang may obligasyon at katiwala sa pangangalaga at pagbabantay sa mga bata, taga ayos ng bahay at siyang taga likha ng mahusay at ganap na pagmamahalan sa loob ng bahay.

Sa Islamikong panlipunan ang mga kababaihan ay inaasahang magtrabaho upang kumita ng pera, kahit na nga ang wala pang asawa, dibursiyada at balo ay pananagutan ng batas na siyang nagkakaloob ng pagkakakitaan nila na siya ring tutulong sa kanila upang mamuhay ng masagana at maayos na buhay. Ang trabaho at pangangalakal ay hindi ipinagbabawal ng Shariah sa babae, ngunit kinakailangang nasa estado, lagi siyang nasa pagkamayumi at may pahintulot ng asawa. Hindi nila kinakailangang gawin ang mga trabahong iyon, maliban lamang kung mayroong patunay na kinakailangan sila sa ganoong mga gawain tulad ng pangkaraniwang ginagawa ng kababaihan, subalit kinakailangan din na kapag siya'y nagtrabaho itoy hindi nakakaapikto ng lubos sa mga bata at pamilya, sapagkat kapag ang babae ay ikinasal, siya ay pumapayag na gampanan ang kanyang alituntunin sa Islamikong pagpapamilya.

Ganyan ang babae bukod sa kanyang alituntunin, binigyan din sila ng mga karapatan tulad ng mga lalaki at kapag may mga sariling ari-arian at hangad nilang ilagay sa negosyo, itoy malaya niyang gawin kahit na walang pahintulot ng asawa, ngunit itoy kinakailangan tulad ng nabanggit kanina ay hindi makakaapikto sa matiwasay na pag-sasama ng pamilya lalo na sa pangalaga ng mga bata at kinakailangan sa negusyong hindi ipinagbabawal at salungat sa katuruan ng Islam.


Magkagayon ang pag-aasawa ay malawak na tumutukoy sa…

1. Paraan ng pagpapakuntento sa emusyon at pag-nanasang seksuwal.
2. Nagpapabawas tension.
3. Kaparaanang legal para sa pagpapalaganap ng lahi.
4. Bagay na panlipunan o kaparaanang panlipunan.
5. Daan tungo sa pagsasama-sama ang pag-tutulongan ng pamilya at habang buhayna pag-sasama.
6. Gawaing may pagkatakot.
7. Isang uri ng pagsamba sa Allah at pag-sunod sa mga batas na iniatas Niya sa kanyang Sugo at Mensahero.

Ang paliwanag at layunin ng lahat ng ito ay lubhang malawak at nagpapakita ng maraming pananaw sa pag-papatakbo ng pamilya. Sa ating tinalakay naging maliwanag, na ang Islam ay hindi nag-papahintulot sa 'celibacy' o di pag-aasawa at nag-uutos o naghihikayat sa mga Muslim na mag-asawa. Ang layunin ng pag-aasawa sa Islam na ating nakita ay hindi lamang sa pagnanasa ng katawan o seksuwal, bagkus upang maitaguyod ang isang institution na kung saan ang kapwa babae at lalaki ay napapangalagaan nila ang kanilang mga sarili sa mga malalaswa at mahahalay na bagay at ganoon din upang mapanatili ang lahi ng tao sa mundo at maibsan ang pagnanasang seksuwal sa elegal na pamamaraan. Ang tamang pamamaraan ay nag-bibigay saya at matiwasay na pamumuhay. Kanino mga ba kinakailangan at nagiging obligado ang pagaasawa?

Ayon sa maingat na pag-aaral sa mga alituntunin sa Qur'an at Hadith ng propeta Muhammad (s.a.w.) ang pag-aasawa ay Wajib o kinakailangan sa isang lalaki na may-roong kakayanan na mag-bigay ng 'Mahr' at kayang magpanatili ng asawa at mga anak at siya'y malusog at natatakot na kapag hindi nag-asawa ay makagawa ng 'zina' o pakiki-apid. Subalit ito naman ang mahigpit na ipinapayo sa mga kalalakihan na may lubos na kakayahang pigilan ang pag-nanasang sekswal at kayang maiwasan ang mga udyok ni satanas, sa tukso na umiwas sa pag-aasawa na ang tanging layunin lamang ay magkaroon ng anak.

Ito ay kanais-nais naman doon sa mga taong may ganap na kakayahang pigilan ang pagnanasang sekswal na walang hangad na mag-karoon ng anak at umiwas sa pananagutan sa asawa. Dahil nadarama niya sa kanyang sarili na ang hindi pag-aasawa ay hindi rin makapag-lalayo sa kanya sa pag-samba at paniniwala sa Allah.

Ang mga 'school of thought' naman o 'madhab' ay hindi magkakatulad sa mga kundisyon, tulad halimbawa na ang 'maliki school of thought' ay nagsabi na ang pag-aasawa ay 'wajib' Fard o obligatory sa isang Muslim ang mag-asawa kahit na siya ay walang paraan na makakuha ng pag-kakakitaan basta sakop niya ang tatlong kundisyong ito.

1. Na kapag hindi siya nakapag-asawa ay maaari siyang makagawa ng 'Zina'.
2. Kung hindi niya kayang mag-ayuno para mapigilan ang kanyang pagnanasa o kaya niyang mag-ayuno mgunit ang pag-aayuno ay hindi paraan upang makaiwas siya sa panga-ngalunya
3. Hindi siya makatagpo kahit na isang aliping babae o mahirap na babae upang mapangasawa.

Ngunit sa kabila nito maraming mga husgado ang hindi sumasang-ayon dito bagkos nagsabi na kapag hindi siya makakuha ng legal na trabaho, kinakailangang huwag muna siyang mag-asawa. Kapag siyay nag-asawa na walang pag-asa at paraan upang makakuha ng pagkain sa legal na paraan, maari siyang magnakaw, magkagayon siya'y makaiwas sa isang bagay na ipinagbabawal sa pamamagitan ng pag-aasawa. Bunga nito ay magiging biktima at mahuhulog sa isa pang panibagong kasalanan, tulad ng pag-nanakaw.

Ang 'hanifiya' naman ay nagsaalang-alang na ang pag-aasawa ay kinakailangang may apat na kondisyon.
1. Kapag ang tao ay nakasisiguro na siya'y makagagawa ng Zina kung hindi siya makapag-aasawa.
2. Kapag siya'y di makapag-ayuno o kahit na siya'y nakakapag-ayuno ngunit hindi paparin ito daan upang maiwasan ang 'Zina'.
3. Kung hindi siya makatagpo kahit na aliping babae upang mapangasawa.
4. Kung maykakayanan siyang makapagbigay ng 'Mahr' at may kakayanan siyang magtrabaho sa marangal na pamamaraan, subalit kung hindi siya makakita ng kabuhayang Legal magkagayon ang pag-aasawa ay hindi obligado sa kanya.

Ganon paman ang pag-aasawa ay 'Haram' o ipinagbabawal doon sa mga taong walang kakayanang magpanatili at sumuporta ng asawa at mga anak o kaya'y may karamdaman na maaaring magdulot ng masama na makaka-apekto sa asawa at anak.
Hindi naman kanais-nais doon sa mga taong walang pag-nanasang seksuwal o walang pag-mamahal sa mga anak o maaaring siya'y nakasisiguro sa kanyang sarili na kapag nag-asawa ay manghihina o mababawasan at bababa ang kanyang pananampalataya. Ang propeta Muhammad ay naghihikayat at nag-uutos sa kanyang mga taga- sunod na mag-asawa sapagkat siyay mayroong katiyakan sa mga pananaw at layunin ng pag-aasawa na ito'y maisakatuparan. May Hadith na nagsasabi…
Iniulat ni Anas na ang mensahero ng Allah ay nagsabi. "Kapag ang isang tao ay nag-asawa kanyang nagampanan ang kalahati ng pananampalataya "Deen" kayat katakutan niya ang Allah sa natitirang kalahating bahagi. Itinuring ng propeta Muhammad (s.a.w.) na kalahati ng pananampalataya ang pag-aasawa. Sapagkat sa pamamagitan nito ay maiiwas nito ang isang tao sa pagiging masilan, pakikiaped, pangangalunya, homoseksuwal, at sa maraming napakasamang mga bagay na naghahatid sa tao sa kasalanan, tulad halimbawa ng paninirang puri, pakikipag-away, kremin, pagkawala ng ari-arian, at panghuli ay ang kawalan ng pagkakabuklod –buklod at pagsasama ng pamilya.
Sa isa namang hadith ang propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagsabi na ang pinakamahusay na makakamit ng isang Muslim pagkatapos ng pagkakaroon ng 'taqwa' ay ang pagkakaroon ng isang mabuti at masunuring asawa. Ini-ulat ni Abu Imamah na ang propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagsabi: Pagkatapos ng pagkatakot sa Allah (s.w.t.) at pagkamatuwid, ang mananampalataya ay wala ng iba pang kukunin sa kanyang sarili maliban sa isang matuwid na asawa na sumusunod o tumatalima sa kanya kapag kanyang inutusan. Nalulugod siya kapag nakikita niya siya. Makatotohanan ang babae sa kanyang sarili at mabilis na tumatalima sa mga bagay na pinag-uutos sa kanya (hindi haram) at makatotohanan ganon din sa ari-arian ng kanyang asawa na pinangangalagaan nito kapag wala siya.
Ang propeta Muhahammad (s.a.w.) ay nag-bibigay diin sa makatotohanan, pagkamatuwid, pagkabanal,at pagkamatapat bilang pangunahing batayan na pagpipilian sa pagkuha ng kapareha. "Sino man ang nag-asawa" sabi ng propeta (s.a.w.) dahil lamang sa kanyang kapangyarihan at katayuan, dadag-dagan lamang lalo ng Allah ang kanyang kahihiyan. At sino man ang nag-asawa ng dahil sa kanyang yaman, dadagdagan lamang ng Allah ang kanyang kahirapan. Ngunit sino man ang mag-asawa upang pigilan ang kanyang paningin, upang maging maingat, nag-tatrato, tumuturing, tumatangkilik sa kanyang pamilya ng may kabaitan. Pagkakalooban siya ng Allah ng biyaya na katulad ng biyaya na tinatanggap ng kanyang kapwa. Magkagayon ang pagkamatuwid, pagkabanal, pagkamatuwid, pagkamatapat ang siyang pangunahing kinakailangan sa pag-aasawa.
Ang propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagsabi na may tatlong uri ng tao ang totolongan ng Allah.
1. Ang taong naghahangad na maging Malaya sa pag-kaalipin.
2. Siya na nag-asawa sa layunin na mapag-ingatan ang puri.
3 .Siya na nakikipaglaban ng dahil sa Allah (jihad).

Sa pagpili naman ng mapapangasawa ang propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagrekomenda na kinakailangan na makita ng lalaki ang kanyang mapapangasawa, dahil baka may mga bagay na maging balakid kapwa sa kanila, pagkatapos ng kasal kung hindi ito malaman agad ng bawat isa (tulad ng mga halimbawa) Ang lalaki ay hindi dapat tumingin ng may pag-nanasa sa kanyang mapapangasawa, bagkus tumingin ng maypag-iingat at pag-uusisa sa sarili. Sa mukha at kamay tumingin upang magkaroon ng sapat na Ideya sa kanyang pagkatao at ganda.

Kung nais niyang lubus na makatiyak maaaring magsugo siya ng isang babae upang magtanong at umusisa sa kanyang mapapangasawa, upang sa pamamagitan nito ay maisalarawan sa kanya kung anong tipo ng babae siya, magkagayon ang babae ay pinapayagan din tumingin sa lalaking nag-aalay sa kanya ng kasal o kanyang mapapangasawa na may layunin ding katulad ng nabanggit at laging nasa-isip ang talata na nasasaad sa Qur'an 24:30…
Qul lilmuminina yaguddumin absarihim wayahfadhuu furuujahum dalika azkalahum innalaha khabirum bima yasna-uun. Qur'an 24:30
Sabihin mo (ya Muhammad) sa mga naniniwalang mga kalalakihan ibaba ang kanilang paningin, at protetahan ang kanilang masilang bahagi ng katawan. Yan ay dalisay para sa inyo. Katotohanan ang Allah (s.w.t.) ang nakababated ng lahat na inyong ginawa. Alinsunod dito walang kaparaanan na ang lalaki at babae na ikakasal o nag-aalay sa bawat isa ng kasal na pinapayagang mamalagi sa isang kwarto na dalawa lamang sila. Sapagkat ang propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagsabi: 'Kapag-iniwan ninyo ang isang babae at lalaki sa isang kwarto laging may pumapangatlo, at iyon ay si Satanas.
Walang puwang ang ligawan sa Islam na katulad ng kina-ugalian o kinasanayan ng mga taga kanluranin na lalabas, magkikita at magsasama ayon sa kanila, upang lubos daw na makilala ang bawat isa at kanilang mga sari-sarili. Itoy isang malaking pagkakamali dahil bunga nito ay lalong dumarami ang mga balakid sa lipunan, tulad ng pagsisinungaling, pagpapakitang tao, at lalong-lalo na ang pusibilidad na maisagawa ang napakabigat na kasalanan. Ang pakikipagtalik na ang nagiging resulta, ay kawalan ng katarungan at proteksiyon sa mga kababaihan at sa kanilang magiging mga Anak. Kapalit nito ang propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagpahintulot sa mga kalalakihan na makita ang kanilang mapapamgasawa upang makasiguro. Iniulat na si Mughirah ibn Shubah ay nag-alay ng kasal sa isang babae,ang propeta (s.a.w.) ay nagtanong sa kanya, na ito ba ay nakita na niya? at siyay sumagot na. Kanyang ini-utos na tingnan ang kanyang mapapangasawa sapagkat itoy nagdudulot ng matinding pagmamahal at magbubuklod sa kanila. Dahil ang kasal sa Islam ay isang kontrata na isasakatuparan lamang sa kagustuhan ng magkabilang panig. Kinakailangan na mabigyan nila ng kasiyahan at kaluguran ang kanilang mga sarili sa tingin at pag-iimbistiga ng magkabilang panig. Ang pahintulot at pagsang-ayon ng bawat isa ay kinakailangan sa kasal.
At huwag silang pigilan na pakasalan ang kanilang ibig mapangasawa kung ang bawat isa ay sang-ayon sa kanilang mga sarili sa paraang pinahihintulotan. Ang pagpili ng mapa-ngangasawang Muslim na babae ay nararapat lamang na nasa kalagayan ng kapangyarihan ng 'Ijbar' na ipinagkaloob sa Ama o nangangalaga sa babae. Ito ay siguridad o pag-iingat sa lugar ng babae na nasa kanyang kakulangan sa kaalaman, kung ang kanyang mapapangasawang lalaki ay masama ang pag-uugali o di kaya'y walang mahusay na pagkakakitaan, maaari niyang pigilin ang kasal at humanap siya ng ibang nararapat na lalake na siyang nararapat sa anak o pinangangalagaang babae o pinangangalagaan niyang mapapangasawa.

Ang pag-aasawa sa katunayan ay isang 'mithaq' ibigsabihin isang taimtim na pangako o kasunduan sa pagitan ng asawang babae at lalake. Kinakailangang sila'y magkasundo sa paraang pinahihintulotan. Dahil walang masasabing kasunduan maliban lamang kung kapwa pumayag ang magkabilang panig. Ang propeta Muhammad (s.a.w.) ay nag-sabi:
'Ang balo at ang hiniwalayan ay hindi pweding ikasal hanggat wala siyang utos na italaga. At ang mga berhin ay hindi ikakasal hanggat hindi siya pumapayag' (wali) ang batas sa pag-aasawa ay isinaayos ng maigi ng shariah nang sa gayon itoy lubos na makatulong sa pagtataguyod ng huwarang Ummah o pamayanan. Sa katapusan nito ang banal na Qur'an at ang Sunna ay nagkaloob ng ipinagbabawal na antas sa kasal na kung saan ito ay nahahati sa dalawang katigurya.

1. Ang pang permanenting antas
2. Ang pangsamantalang pag-antala
Ang permanenting antas ay matatagpuan natin sa Suraul Nisa Q. 4:22,24
Bawal maging asawa ang mga sumusunod:

1. Ina
2. Hindi niya ina, subalit asawa ng kanyang ama (step mother) noong panahon ng walang kaalaman 'jahiliya' ang panganay na anak o kapated na lalaki ay mamanahin
ng binata ang pangalawang asawa ng ama at magiging asawa. Ang ganitong kaugalian ay sinusunod pa sa kasalukuyan sa Yorubaland Nigeria na kung saan ang panganay ay minamana ang pinakabatang asawa ng ama.
3. Ang Lola (kasama ang lola sa panig ng ama at nanay ng nanay niya).
4. Anak (kasama ang apo sa panig ng anak na babae at lalaki
5. Kapatid na babae (kasama ang kapatid na buo sa ina o ama)
6. Kapatid na babae ng Ama o mga tiyahin
7. Kapatid na babae ng Ina o mga tiyahin
8. Ang pamangkin sa kapatid na lalaki o babae
9. Ina ng iba na nagpasuso sa kanya
10. Ang kapatid na babae ng Ina ng iba na nagpasuso sa kanya
11. Ang anak na babae ng Ina ng iba na nagpasuso sa kanya
12. Ang biyanan na babae
13. Anak sa iba ng asawa o step daughter, ngunit kinakailangan ang anak na isa lang ng babae at ang kasal ay naisakatuparan at silay nagsama, ngunit kung ito'y hindi naisagawa, magkagayon walang pagbabawal.
14. Ang asawa ng mga anak na lalaki ( Hindi kasama dito ang asawa ng mga lalaki na itinuturing na ampon )

Pansamantalang Pagbabawal:

Ang pansamantalang pagbabawal ay yaong mga bagay na maaaring mawala ang pagbabawal dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:
1. Hindi pweding maging asawa ng lalaki ang dalawang magkapated na sabay. Natatanggal ang pagbabawal kung ang kapated ng babae na siyang asawa ng lalaki ay namatay o hiniwalayan ng lalaki

2. Hindi pweding pakasalan ang kasal ng babae ngunit nawawala ang pagbabawal kapag ang kasal ay napalang bisa subalit kailangan sa legal na paraan.o di kayay namatay ang asawa kasunod ang pagkatapos ng iddah. Sa Hiwalay 3 months, sa balo 4 months & 10 days
3. Hindi pweding mag-asawa ng higit sa apat ngunit ang pagbabawal ay nawawala kapag ang isa sa mga asawa ay namatay o hiniwalayan.
4. Hindi pweding pakasalan ang mga babaing nagsasagawa ng iddah ngunit nawawala ang pagbabawal kung natapos na ang iddah 'waiting period' Q:2:235

Ngunit huwag makipagkasundo sa kanila ng lihim maliban lamang sa pinahihintulotan o makipagkasundo ng kasal sa kanila hanggat hindi natatapos ang Iddah.

Nangunguhulogan na hindi pweding mag-alay ng kasal sa babaing nagsasagawa ng Iddah ngunit pweding magsabi ng salitang "Hangad kong makatagpo ng isang babae na may mabuting pag-uugali. Sa babaing namatayan ng asawa o sa dibursiyada at wala ng paraan na maging asawa pang muli maliban na lamang kung siyay mag-asawa ulit ng iba makatikim at muling hiwalayan sakapalang muling mapapakasalan.

Sa kabila nito pinagbabawal sa lalaki na mag-alay ng kasal sa babae na nag-sasagawa ng Iddah ng hiwalay na kung saan ang pagbawi ng salita na hiwalay ay magiging daan upang muling mag-sama.

Kahit na ang pagsabi ng "hangad kong makatagpo ng isang babaing may mabuting pag-uugali" ay pinagbabawal sapagkat maaaring dahilan ito ng lalong di pagkakasundo ng magkabilang panig at gayon din itinuturing parin ang babae na legal na asawa, sapagkat hindi pa natatapos ang proseso ng pag-hihiwalaw.
Ang kaso ng dalawang manliligaw o magkaribal, Ang propeta Muhammad ay hindi sumasang-ayon dito sapagkat itoy lumilikha ng paligsahan at pagkapoot sa kapwa magkapatid na Muslim,
Siya ay nagsabi:

Ang mananampalataya ay kapatid ng kapwa mananampalataya, magkagayon hindi pinahihintulutan sa kanya na kalakalin ang kinakalakal ng kapatid na Muslim o mag-alay ng kasal doon sa inaalayan ng kasal ng kapatid na Muslim hanggat kusang loob na umatras ang unang nag-alay ng kasal. Ang tagapangalaga ay may kakayahan sa Ijbar (tulad ng tinalakay sa nakalipas) sa ibat-ibang Aspeto at lagi nating tatandaan na pinakamahusay na patnubay ay ang Qur'an at ang pamamaraan ng Propeta Muhammad s.a.w.
Sabi ng Allah s.w.t. "WA MA'ATAKUMMURASULU FAKUDUHU WAMA NAHAKUM 'ANHU FANTAHU WATAQULLAHA INNALLAHA SHADIDUL IQAB"
Q.59:7 At ano man ang pinagkaloob sa inyo ng propeta, tanggapin ninyo ito at kung ano man ang ipinagbabawal niya sa inyo ay layuan ninyo at katakutan ninyo ang Allah s.w.t. katotohanan Siya ay mabigat magparusa. Sa Allah ang patnubay.

Lagi nating alalahanin na hindi tayo patungo sa pagkabata patungo tayo sa distinasyon na kung saan ay naitalaga na 'kamatayan' subalit itoy hindi kinatatakotanItoy pinaghahandaan. Kaya naman sa bawat pasiya at desisyon sa buhay ang may katawan ang mananagot sa ano mang kanyang ginawa at katotohanan sa Allah s.w.t. tayo magbabalik. Pagsubok sa atin ang pag-aasawa at itoy kalahati ng pananampalataya kaya ingatan natin ang natitira pang kalahati. Huwag nating gawing isang maliit na bahagi ng ating buhay ang pag-aasawa itoy isang kontrata at pananagutan salamin ng ating sarili kung paano natin ito pinamumuhay. Minamahal tayo ng Allah s.w.t. dahil mula tayo sa paraiso at nais niya tayong makabalik sa paraiso kaya naman walang tigil ang paala-ala sa atin. Sa mga likas na pangyayari tulad ng mga kalamidad, itoy isang palaala lamang na minsan isang araw tayo sa kanya ay magbabalik. Sa pag-aasawa natin tayo ay natoto ng maraming uri ng pamumuhay kasama na ang mensang di pagkakaunawaan, sa buhay may-asawa maaring umulan ng apatnapong araw at apat napong gabi subalit hindi uulan magpakaylan man. Aaraw din siya at tutubo ang panibagong buhay at matoto tayo sa ating mga karanasan, at huwag makalimot na ang mundong ito ay pansamantala lamang lilipas din ito at pagkakalooban tayo ng walang hanggang buhay. Huwag tayong magkakamali sa buhay na ito sa pagkat matinding hirap ang daranasin natin sa kabilang buhay at iyon ay walang hanggan…Subalit kung ikaw ay nasa tamang landas, manatili hanggang sa huling sandali ng buhay ang iyong kamatayan ay buhay na walang hanggan. Kaya naman ang Allah s.w.t. ay nag-bilin sa mga mananampalataya ayon sa pag-kakasalin. "O kayong mananampalataya huwag kayong babawian ng buhay maliban na kayo ay mga Muslim." "Sa araw na ito aking pinagingganap ang tulong at pabor sa inyo at pinili ko ang Islam na inyong panuntunan ng buhay." "Ang sino mang mag-nais ng ibang pananampalataya o panuntunan ng buhay maliban sa Islam sa huling araw sila ay mapapabilang sa mga talunan." Huwag kalimutang manatili sa tamang landas at manumbalik kung maligaw, sa pagkat ang Allah s.w.t. ang mapagpatawad ang mahabagin at ang mapagpala. Subhana kallah humma wa bihamdik ashshadu anla illaha illa anth wastagfiruka wanatubu ilaik, assalamualaikum warahmatullahi wa barrakatuh.

No comments: